Tuesday, October 21, 2008

Pulitika, Problema?

Marami sa mga kababayan natin ang walang tirahan kaya kung saan saan na sila gumagawa ng bahay. Kung tutuusin naipapakita nila ang pagiging "resourceful" nila pero masama ito. Sa larawan, ang nasabing bahay ay nasa tabi ng National Highway.


Kapag nababanggit ang "pulitika sa pilipinas", kalimitan sa naiisip ng mga pilipino e mga problema ng bansa.

Haay..e kapag nasasabi naman ang katagang "Problema ng Pilipinas", ano ang pumapasok sa isip mo?

Kahirapan? Edukasyon? Mga Pulitikong Kurakot? Sistema? Food shortage? Malaking populasyon? o mga rebeldeng grupo?

Ano ang ugat ng lahat ng problema ng pilipinas?

Sa totoo lang e mahirap talagang matukoy ang sagot at depende narin sa pagpapaliwanag ng isang tao, dahil lahat naman ng nabanggit ay nagiging problema dito sa pilipinas. Pero kung iisipin natin, ang mga problemang nasabi ay magkakaugnay, may relasyon, magkakadugtong.
Lahat ito ay nakakahadlang sa pag-unlad ng bansa.
Maaari rin na ang ugat ng lahat ng mga problema ay nasabi na, di nga lang natin alam kung pano ipapaliwanag.

Sa pagtaas ng mga presyo ng bilihin, parami ng parami ang mga mamamayan ng pilipinas na nababalisa.

Sa kahirapan nga lang e madami ka ng maiisip na tungkol sa bansa. Hindi naman pilipinas ang pinakamahirap na bansa pero maraming bagay sa pilipinas ang maiuugnay sa kahirapan. Mga prostitute, kidnaper, holdaper, bumbay na nagpapautang, at marami pang iba. Kasama dito ay ang mga child laborers. Karamihan sa kanila e hindi narin nag-aaral dahil hindi kaya o ayaw kayanin ng mga magulang nila. Marami rin ang ulila na. Isa pa ring maiuugnay sa kahirapan e yung mga squatter, wala silang matirhan kaya kung saan saan sila gumagawa ng bahay na nakakasagabal sa kung saan man. Sa dami e masmabuti kung hindi na sabihin at baka sumakit pa ang ulo natin kaiisip.
Pero sa gitna ng karamihan ng kababayan nating mahihirap,
bakit may mga taong sobrang yaman?
Dyan na pumapasok ang iba pang mga problema.

Una, Edukasyon, may mga mahihirap dahil hindi sila nakapag-aral dahil wala din silang perang pampaaral. May mga nakapag-aaral nga pero hindi nila ginagamit nang maayos ang napag-aaralan nila. Meron ding nagpapanggap na nag-aaral pero wala talagang natututunan, "learned inattention" ika nga sa political science class namin. Nasabi rin na masmahihinang klase ng guro ang napupunta at nagtuturo sa elementarya kaysa sa kolehiyo, malaki ang epekto nito sa bansa dahil diba sabi nga ni Jose Rizal "Ang kabataan ang pag-asa ng bayan"?

Pangalawa, mga pulitikong kurakot, may mga sobrang hirap at sobrang yaman dahil sa mga nangungurakot, hindi lang mga pulitiko ang nangungurakot kundi pati na mga ibang kawani ng gobyerno, bakit 'kamo? kung hindi dahil gusto nila ng maraming pera e kulang ang sweldo na binibigay sa kanila, pabalik ito sa kahirapan. Ginagawa nila ito dahil pakiramdam nila e ayos lang mangurakot kasi para sa bansa naman ang ginagawa nila. Ayus lang naman siguro silang mangurakot kung walang naagrabiyado e 'no? Pero dahil sa paunti-unting bawas na ginagawa nila, pati ang mga serbisyong dapat napupunta sa mga mamamayan e kinakapos.

Pangatlo, ang sistema ng gobyerno ngayon ay masasabi kong "conducive" sa pangungurakot, bakit? Nasabi narin sa klase namin na sobrang "hierarchized" ang gobyerno sa pilipinas, ang mga namumuno ang kumokontrol sa mga nakakababa sa kanya, kaya kung gugustuhin nya e kayang kaya nya na gamitin sa pansariling interes ang mga resources ng bansa. Ang masama pa niyan, kahit hindi ka nakaluklok sa pwesto e pwede ka pang makisawsaw at manggipit ng ibang pulitiko. Nakwento din sa klase namin na yung mga mayamang businessman e namimili ng susuportahan at "iluluklok" nilang kandidato, kaya ang nangyayari tuloy pag nanalo ang kandidato e automatic may utang na loob siya sa mga businessman na yun. Babalik nanaman tayo nyan sa mga kurakot.

Sunod dito e food shortage at malaking populasyon. Ang sumasalo ng kakulangan sa pagkain e yung mga kababayan nating sobrang hirap. Parang kambal 'to e, pag malaki ang populasyon, mas konti ang pwedeng kainin kumbaga. At babalik nanaman sa kahirapan dahil kulang ang pambili ng pagkain at mataas na presyo ng mga bilihin.

At dahil maraming mahirap, marami rin ang nagigipit, kaya no choice silang kumapit sa patalim. Minsan dyan pumapasok ang karahasan. Meron talagang mga taong ayaw magpalamang sa ibang tao. Kapag meron silang ayaw sa sistema, dinadaan nila sa karahasan at pananakot. Ang sistema naman, ayaw din magpalamang. Nasaan ang problema ngayon dyan?

Isa pang napansin kong problema sa mga pilipino e yung sobrang pagtangkilik sa kamag-anak. "Extreme Familism" ang tawag sa klase namin. Hindi naman sa masama ito pero napaisip talaga ako nung nabanggit sa klase 'to. Yung tipo ng pagtangkilik na pag kamag-anak mo e automatic na kakampi mo kahit na mali sya. Meron din nito sa pulitika, pag nanalo yung tatay e isusunod na yung asawa tapos mga anak, tapos mga kamag-anak. Tuloy tuloy na ang pag-akyat sa pwesto ng buong angkan kahit hindi sila nararapat magkaroon ng pwesto sa gobyerno. Masama 'to sa pilipinas.

Puro problema na yata ang nasulat ko. Sa unang tingin, oo, madami ngang problema ang pilipinas. Madami narin ang nasulat tungkol sa mga problemang ito. Ang hindi lang natin naiisip e andyan lang ang solusyon sa tabi tabi. Ang maraming maliit na problemang masosolusyonan ay parang isang malaking problemang nalutas.

"Civility" yung tinutukoy ko, isa sa mga natutunan ko sa political science class namin. Parang moralidad narin kung tutuusin, kung meron kang sense of civility, hindi ka tatawid sa hindi tamang tawiran, hindi ka mangungurakot at manggigipit ng ibang tao kahit kapos na kapos na ang pamilya mo, hindi ka mangsusuhol kahit maiwan ka at pumila ng pagkahaba haba, hindi ka magtatapon ng basura kung saan saan, hindi ka manggigipit ng kapwa tao, hindi ka rin basta basta sasama sa rally ng hindi mo alam ang tunay na layunin ng sinasamahan. Ang sarap na sanang mabuhay sa pilipinas kung lahat ng pilipino e may sense of civility.

Ito yung natutunan ko sa buong sem na pakikinig sa kursong Political Science I. Huwag tayong maging walang kwentang mamamayan, huwag tayong magbulag bulagan. Malay mo, naghihintayan lang pala ang mga pilipino na may maunang maging matinong mamamayan. Hindi natin masasabi kung hindi natin masusubukan. Oo, hindi nga malulutas ng "Civility" na yan ang lahat ng problema ng pilipinas. Hindi rin tayo makakaasa na ang lahat ng pilipino ay biglang magkaroon ng "Civility" sa isang kisapmata. Pero diba ang malayong paglalakbay ay nagsisimula sa isang hakbang?


Romer Duarte
2006-35042
POSC 1 - B

1 comment:

POSC1_UPLB said...

Romer Duarte
POSC 1 - B