Tuesday, October 21, 2008

kahirapan


Sinasabing ang kahirapan (Poverty) ay isa sa pangunahing suliranin hindi lang nang ilang bansa kundi sa buong mundo. Kahit na sabihin pa na ikaw ay nasa pinakamayaman na bansa sa mundo, makikita mo pa rin ang malaking agwat sa estado ng mga mamamayan o ang hindi pagkakapantay pantay ng estado ng mga tao. Noon pa man, isa na ito sa mga problemang mahirap hanapan ng solusyon; at hanggang ngayon talamak pa rin ito.

Ang estado ng karamihan ng tao sa mundo ay nabibilang sa grupo ng mahihirap. Pero kung ganito nga, dapat at tama bang sisihin natin sila sa mga nangyayari sa kanila ngayon? Kahit alam naman natin na hindi nila ito ginusto. Siguro nga ang iba sa kanila ay tamad at hirap gumawa at maghanap ng paraan para maiahon ang sarili nila sa kahirapan. Pero sila lang ba ang may kasalanan sa mga nangyayaring ito? Wala bang kinalaman ang gobyerno rito? Hindi ba dapat ang gobyerno rin ay gumagawa ng paraan para matulungang mawala ang napakalaki at talamak sa krisis na ito? Bakit hindi nila unahin ang krisis na napakatagal ng hindi nasosolusyunan?




Isa sa mga dahilan ng talamak na kahirapan ngayon ay ang kawalan o ang kakulangan ng trabaho ng mga tao sa siyudad at higit sa probisya, dahil dito hindi nila naibibigay ang sapat at pangunahin na pangangailangan ng kanilang mga pamilya. Kaya naman mas naiisip nila na ang tanging paraan lamang upang makaalis sa kahirapan ay ang pumunta at maghanap ng trabaho sa siyudad.



Sa ngayon ang mga tao sa probinsya ay nalipat na sa siyudad dahil pinaniniwalaan nila na roon sila makakahanap ng magandang trabaho at magkakaroon ng maayos na buhay. Pinagpapalit nila ang masaganang buhay nila sa probinsya para makahanap ng trabaho na may mas malaking sahod. Ngunit pagdating nila roon sa siyudad, sila ay walang permanenteng tirahan o kaya mga palaboy.


Ngayon, sa ating bansa kahit saan ka tumingin hindi mo maiiwasan na makakita ng mga batang nagtatrabaho sa kalye o kaya naman ay mga matatandang tambay lang. Karamihan ng mga ganitong eksena ay makikita pa sa siyudad. Sinasabing ang dahilan nito ay ang kakulangan nga sa trabaho kaya madalas ay ang mga bata ang kanilang pinagtatrabaho at pinagbebenta ng kung anu-ano sa kalye.



Pinaniniwalaan rin na ang pagdami o pagtaas ng bilang ng populasyon sa isang bansa ay isa sa mga dahilan ng
kahirapan. Ngunit isa nga ba itong malaking suliranin? Naniniwala ako na ang pagdami ng populasyon ay hindi isang hadlang o suliranin sa pag unlad ng isang bansa, lalo na kung may sapat na trabaho, pabahay, agrikultura, atbp. dito. Pero kung sa katulad ng bansa natin; na may mababang ekonomiya at talamak ang kahirapan, ang pagkakaroon ng malaking populasyon ay nagiging isang malaking problema.




Kakulangan sa edukasyon ay isa rin sa mga sinasabing nagdudulot ng kahirapan. Ang pagkakaroon ng sapat na edukasyon ay malaking tulong upang magkaroon ng magandang buhay at kinabukasan. Kung ang isang tao ay walang sapat na edukasyon, sya ay mahihirapan na buhayin ang kanyang pamilya dahil sa hirap itong makahanap ng maayos na trabaho na magbibigay sa kanila ng magandang buhay.


Ang mga nasabi kong suliranin ay ilan lang sa maraming dahilan kung bakit laganap ang kahirapan dito sa ating bansa at sa buong mundo. Ngunit alam ako na may magagawa at may paraan pa upang maayos at mapababa ang tumataas na bilang ng kahirapan. At ito ay dapat mag umpisa sa ating mga sarili.


posted by: Rose Anne Sola
POSC1-B

No comments: